Top 1 drug list personality, patay sa operasyon, live-in partner nito, arestado

Top 1 drug list personality, patay sa operasyon, live-in partner nito, arestado
Iniisa-isa ng pulis ang mga nasamsam na ebedensya na nakuha mula sa napatay na top one station level drug personality ng Calinan District na si Felipe Tomas Jr. na kung saan timbog din ang live-in partner nitong 22- anyos. (Photo from Davao City Police Office)

DAVAO CITY – Patay ang tinaguriang top one drug personality ng Calinan District dito sa lungsod sa isinagawang operasyon ng kapulisan alas 9:30 kagabi (Pebrero 26).

Kinilala ng Davao City Police Office (DCPO) ang suspek na si Felipe Tomas Jr., alias Dingdong Tomas, 28, at isang delivery cargo employee. Habang arestado naman ang kinakasama nitong 22 anyos na si Blessie May Valencia na sinasabing top 8 station level drug personality. Ang dalawa ay pawang nakatira sa Purok 15, Domingga Village, Calinan District dito sa lungsod.

Batay sa paunang ulat ng DCPO, bigla umanong nagpaputok ng kanyang baril si Tomas habang isinilbi ang search warrant sa mga
Kasapi ng Drug Enforcement Team ng Calinan Police Station
na kaagad namang rumesbak ang mga pulis.

Isinugod pa sa pagamutan sa Isaac Robillo Hospital si Tomas ngunit ideneklara itong dead on arrival ng doktor.

Nakuha sa pinangyayarihan ng krimen ang punto 45 na baril na umanoy ginamit ng suspek at walong gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P120,000.

Nagpasalamat naman si Major Jake Goles, ang hepe ng kapulisan sa Calinan sa komunidad sa patuloy na kooperasyon nito upang agad na maireport sa mga awtoridad ang ilegal na aktibidad sa kanilang nasasakupan.