Sultan Kudarat,pinagkalooban ng P55.7-M proyekto ng kalsada ng DAR

Larawan mula sa DAR

DAVAO CITY – Kabuuang P55.7 milyon na halaga ng farm-to-market road ang ipinagkaloob ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa mga residente ng Bagumbayan, Sultan Kudarat.

Batay sa ulat ng DAR, umabot sa 8.9-kilometrong farm-to-market road (FMR) ang ipinagawa ng pamahalaan sa layuning maibsan ang kahirapan at maiangat ang kalidad ng pamumuhay sa lugar sa pamamagitan ng patuloy na pagpapaunlad sa agrikultura.

Pinangunahan ni Undersecretary for Mindanao Affairs and Rural Development at focal person ng Foreign Assisted and Special Projects Attorney Ranibai Dilangalen ang pagkakaloob ng kalsada sa lokal na pamahalaan ng Bagumbayan sa lalawigan ng Sultan Kudarat.

Ang proyekto ay ipinatutupad sa ilalim ng Mindanao Sustainable Agrarian and Agriculture Development (MinSAAD) ng DAR sa pakikipagtulungan sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at ng lokal na pamahalaan ng Sultan Kudarat.

Ayon sa opisyal malaking tulong ang proyekto sa mga benepisyaryo at magdadala ng mas malaking kita para sa mga magsasaka dahil mas madali na nilang maihahatid ang kanilang mga produkto sa mga pamilihan.

Napag-alaman na ang 8.9 kilometro na proyektong FMR ay mula sa BarangaybSumilil patungo sa Sitio Old Seguya, at kumokonekta sa daan patungo sa Ned, Lake Sebu, South Cotabato. Ang kalsada ay binubuo ng 3.52-kilometrong kongkreto at higit sa limang kilometrong aspaltong daan.

Saklaw ng proyekto ng DAR-MinSAAD ang 12 pamayanan sa Mindanao, na sumasaklaw sa tatlong rehiyon at pitong lalawigan kabilang ang Lanao Norte, Bukidnon, North Cotabato, South Cotabato, Sultan Kudarat, Davao de Oro, at Davao del Sur.