Sinas, kinilala bilang “biggest loser” sa chubby anonymous project ng PNP

Contributed Photo

DAVAO CITY- Kinilala bilang “biggest loser” sa chubby anonymous project ng pambansang pulisya ang magreretirong hepe ng Kapulisan General Debold Sinas.

Nangyari ito sa ginawang presentasyon ng mga pulis na may pinakamalaking nabawas na timbang sa huling press conference ng hepe ng Philippine National Police (PNP) kaninang umaga bago ito magretiro sa serbisyo sa araw ng Sabado. 

Si Sinas na nakapagbawas ng 72 Libra sa kanyang timbang ang nanguna sa pagkilala sa top 7 na mga pulis na lumahok sa nasabing programa. 

Ipinaliwanag ng opisyal na voluntary at maaring umayaw anumang oras sino mang miyembro ng pulisya na sumali sa challenge na ito ngunit ayon sa kanya siya aniya ang ehemplo ng magandang epekto ng programa sa mga nakakumpleto nito. 

Kung matatandaan inilunsad ni Sinas ang chubby anonymous project sa simula pa lang ng kanyang termino, kung saan kanyang binuhay ang pang-umaga at pang-hapong programang pang-ehersisyo ng PNP. 

Layunin ng nasabing programa na iwasto ang body mass index ng mga pulis na sobra sa timbang, upang masiguro ang maayos na pangangatawan at kanilang kalusugan sa gitna ng nararanasang pandemya.