Paggamit ng Ivermectin bilang gamot at proteksyon umano laban sa COVID-19, di dapat i-endorso: Sara

Davao City Mayor Sara Duterte
Davao City Mayor Sara Duterte. NF File Photo

DAVAO CITY- Umapela si Mayor Sara Duterte ang mga Dabawenyo na iwasan ang pag-eendorso ng Ivermectin bilang gamot o pangontra laban sa COVID-19.

Ayon sa alkalde, kaniya umanong nirerespeto ang desisyon ng mga taong naniniwala na nakakagaling sa COVID-19 ang ivermectin lalo na yaong gumagamit nito.

Ngunit , nananawagan ito na huwag na sanang hikayatin pa ang ibang tao tulad ng kanilang mga kamag-anak o mga kaibigan na gumamit ng ivermectin dahil wala pa namang pag-aaral na lumabas na talagang nakakagamot ito sa COVID-19 para maiwasan na di mahawa sa nasabing sakit.

Sinabi nito na tanging ang World Health Organization (WHO), Department of Health (DOH), Food and Drug Administration (FDA), at mga manggagamot o mga infectious diseases specialist ang makakapagsabi kung anong gamot ang dapat inumin kung may COVID-19 ang isang indibidwal.

Tanging panawagan ng opisyal sa sino mang gumagamit ng ivermectin at naniniwala na nakakagaling ito ng COVID-19, na kung maaari iwasan na lang ang panghihikayat sa ibang tao lalo na sa kanilang mga kamag-anak.

Payo ng alkalde sa mga Dabawenyo na kung may dinaramdam na mga sintomas gaya ng lagnat, ubo, at pananakit ng katawan, mas mainam na kumunsulta o pumunta sa mga district health centers para agad na sasailalim sa swab test.

Halimbawa’t magpositibo sa nasabing sakit, ipaubaya ito sa mga eksperto tulad ng mga doktor dahil sila ang higit na nakakaalam kung paano ito bigyang lunas.

Aniya,iwasan ang mag-self-medicate gamit ang mga produktong wala namang tamang pag-aaral at scientific basis.