Mahigit 36,000 repatriated OFWs na taga-Davao Region, natulungan ng OWWA

Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) 11 Officer-in-Charge Carmelo Elaya.NF Photo

DAVAO CITY- Iniulat ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) 11 na aabot na sa mahigit 36,000 Overses Filipino Workers (OFWs) na taga-Davao Region ang umuwi ng Pilipinas na natulungan ng ahensya sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic.

Ayon pa sa Officer-in-Charge ng OWWA 11 Carmelo Elaya na simula Mayo 5 noong nakaraang taon hanggang Abril 28 nitong taong kasalukuyan, nakapagtala na ang ahensya ng 36,180 repatriated OFWs na taga-rehiyon onse.

Sa kanyang pagdalo kamakailan sa isinagawang AFP-PNP Press Corps media briefing, sinabi nito na hindi lahat ng mga OFWs na ito ang nakapag-avail at nag-qualify na makatanggap ng financial assistance sa pamamagitan ng OWWA-DOLE “Abot Kamay Ang Pagtulong” (AKAP).

Batay sa datus ng OWWA 11, mayroon nang 10,662 ang naka-benipisyo ng nasabing tulong mula sa pamahalaan na kung saan umabot na sa P106 million ang overall total amount na naipamahagi sa mga benipisyaryo mula Abril 2020 hanggang Abril 2021.

Ayon kay Elaya, ang bawat Kuwalipikadong OFW ay nakatanggap ng tag- P10,000. 

Dagdag ng opisyal, nagbigay ng pagkain at hotel accommodation ang OWWA para sa mga umuwing OFWs na naghintay ng resulta ng kanilang swab tests. Ang OWWA din ang nag-asikaso upang masundo ang mga OFWs sa kani-kanilang mga Local Government Units (LGUs) at maihatid ito sa kanilang destinasyon sa rehiyon.

Samantala, nakapagtala ang OWWA 11 ng 300 OFWs na taga-Davao Region na nag-positibo sa COVID-19 mula noong nakalipas na taon hanggang ngayon. Sa nasabing bilang, hindi mababa sa sampu ang namatay at isinailalim sa cremation.