Mag-ama, huli sa buy-bust operation sa Davao del Sur

Mag-ama, huli sa buy-bust operation sa Davao del Sur
Ang mag-amang Dela Calzada na nahuli sa isang buy-bust operation ng kapulisan ng Digos City, sabado ng hapon sa loob mismo ng kanilang pamamahay sa Purok Chico, Jacinto Padre, Barangay Zone 3, Digos City, Davao del Sur. (Photo courtesy of Digos City Police Station)

DAVAO CITY- Arestado ang 40 anyos na ama at ang kanyang 21 anyos na anak sa isinagawang buy-bust operation ng kapulisan ng Digos City, Davao del Sur, sabado ng hapon.

Nabilihan umano ng hinihinalang shabu si Climaco Dela Calzada, alias Makoy at anak nitong estudyante na si Mark Vincent na pawang nakatira sa Purok Chico, Jacinto Padre, Barangay Zone 3, Digos City sa nabanggit na probinsya.

Ayon sa mga awtoridad, matagal na ilang binabantayan ang ilegal na transaksyon ng mag-ama.

12.9 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P206,400 ang nakuha mula sa mga suspek.

Nasamsam din mula sa dalawa ang iba pang drug paraphernalia at pera na nagkakahalaga ng P1,300.

Sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 ang mag-amang akusado na kasalukuyang nakakulong sa detention cell ng Digos City Police Station.