Lindol na yumanig sa Davao Occidental kahapon, walang naiulat na pinsala

Lindol na yumanig sa Davao Occidental kahapon, walang naiulat na pinsala

DAVAO CITY – Walang naitalang pinsala sa naganap na 6.1 magnitude na lindol sa lalawigan ng Davao Occidental alas 5:30 kahapon ng hapon (April 10).

Ito ang kinumpirma sa News Fort ni Oscar Casaysay, ang acting Information Officer ng Davao Occidental.

Ayon kay Casaysay, bagama’t naramdaman nila ng kaunti ang pagyanig, walang anumang nakitang pinsala sa mga gusali at public structures sa probinsya batay sa ginawang initial assessment ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO).

Dagdag ng opisyal, wala rin silang natanggap na ulat mula sa mga residente na nagkaroon ng panic matapos ang pagyanig.

Ayon kay Casaysay, magsasagawa umano ng assessment ang mga personahe ng PDRRMO bukas, araw ng Lunes upang matukoy at masigurong ligtas sa anumang kapahamakan ang mga pangunahing istraktura sa probinsya.

Batay sa tala ng Philippine Volcanology and Seismology (Phivolcs), naramdaman din ang pagyanig sa bayan ng Alabel, Sarangani Province, Monkayo, Davao de Oro at General Santos City.