Kaso ng “sexual abuse” sa mga kabataan, bumaba; 11 anyos, pinakabatang biktima

Kaso ng “sexual abuse” sa mga kabataan, bumaba; 11 anyos, pinakabatang biktima
(NF Photo)

DAVAO CITY- Bumaba ang kaso ng pang-aabuso sa mga bata sa unang kuwarter nitong taong kasalukuyan kung ikukumpara sa nakaraang taon sa gitna ng nararanasang health crisis.

Batay sa tala ng City Social Workers and Development Office (CSWDO), 26 na kasong pang-aabusong sekswal sa mga bata ang naitala mula buwan ng Enero hanggang Marso taong kasalukuyan, mas mababa ng 17 kaso o 60 porsyento sa nakalipas na taon.

Ayon pa kay Mae Aquino, focal person ng Barangay Council for the Protection of Children sa ilalim ng CSWDO sa kanyang pagdalo sa AFP-PNP Press Corps media briefing kahapon (Abril 7) sa Davao City Police Office headquarters, pawang panggagahasa umano ang nasabing uri ng pang-aabuso sa mga kabataan.

Karamihan aniya sa mga reklamo ay mayroong “ close relationship” ang mga biktima sa mga perpetrators.

“May mga suspek na relatives mismo o miyembro mg pamilya mismo sa mga biktima. Ang iba naman ay kapitbahay o kakilala ng mga bata,”saad ni Aquino.

Ang mga kasong pang-aabuso sa mga kabataan ay naitala sa mga Barangays ng Matina Crossing, Bucana, Bago Oshiro, Binugao, Cabantian,Carmen, Catalunan,Daliao,Gumalang, Lamanan,Los Amigos,Maa, Manuel Guainga,Marilog, Matina Pangi,Pampanga, Panacan, Sasa, Talomo, at may insidenteng nangyari sa barangay Tigatto.

Isa sa nakitang dahilan ni Aquino kung bakit mataas ang kaso ng panghahalay sa mga kabataan noong nakalipas na taon ay dahil siguro ay nasa pandemya ang bansa at karamihan lalo na noong panahon ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) ay hindi makalabas ng bahay.

“So, ang tendency ay iyong mga kababaihan at mga bata ay lalong mas naging biktima,” ayon pa kay Aauino.

Nasa pangangalaga na ng kanilang mga centers ang mga batang inabuso mismo ng kanilang miyembro sa pamilya habang nasa kustodiya naman ng kani-kanilang pamilya ang mga biktima ng pang-aabuso sa kanilang mga kakilala o kapitbahay, saad ni Aquino.

Kinumpirma ni Aauino na isang labing-isang taong gulang ang pinakabatang biktima ng pang-aabuso. Karamihan sa mga biktima ay nasa edad na 13 hanggang 17 anyos.

Dahil sa pagtaas ng kaso sa pang-aabuso sa mga kabataan, naitatag simula noong Enero 2021 ang Office for Childrens Special Concerns sa ilalim ng City Mayor’s Office.

Ayon pa kay Girlyn Arciaga, assistant head ng nasabing opisina na itinatag ito upang matutukan ang problema at concerns ng mga kabataan.

“Kailangan talaga may opisina na mag-handle sa mga current issues and concerns sa mga bata especially ang kaso sa sexual abuse. The office is different from Kean Gabriel because ang Kean Gabriel is a center that rescues children who needs assistance,” paliwanag ni Arciaga.

Ang kanila umanong opisina ay isang policy making body na ang pangunahing layunin ay gumawa ng mga palisiya na mangangalaga sa kapakanan ng mga kabataan laban sa ano mang uri ng pang-aabuso, ayon pa kay Arciaga.

Samantala, hinikayat naman ni Aquino ang mga barangay na kung maaari maglagay rin ito ng hotline para sa mabilisang pag-aksyon sa mga reklamo sa bawat komunidad na may kinalaman sa pang-aabuso sa mga kabataan.

“Ato sila gi-encourage nga muhimo ug hotline to accommodate dayon sa mga mulo sa matag komunidad ug dili na hulaton pa nga ipasa sa Kean Gabriel Hotline,” pahayag ni Aquino.

Sa ngayon pinaigting na ang mga programa ng Barangay Council for the Protection of Children sa bawat barangay upang maiwasan ang pang-aabuso sa mga kabataan.