Kapulisan sa Dav Sur, nagtatag ng nursery para sa ‘10 milyon Puno Pamana sa Kinabukasan’

Kapulisan sa Dav Sur, nagtatag ng nursery para sa ‘10 milyon Puno Pamana sa Kinabukasan’
(Photo courtesy of Davao del Sur Provincial Police Office)

DAVAO CITY – Matagumpay na naisagawa ng kapulisan ng Davao del Sur sa pangunguna ni Police Colonel Alberto Lupaz ang paglalagay ng punla sa itinatag nitong nursery sa Barangay Matti, Capitol Compound, Digos City, Davao del Sur ngayong araw ng martes.

Ang pagtatatag ng nursery ng Davao del Sur Provincial Police Office (DSPPO) ay naging posible dahil sa pakikipagtulungan ng Provincial Environment and Natural Resources Office.

Ang kapulisan sa probinsya ng Davao del Sur ay patuloy na nakasuporta sa national greening, reforestation, at rehabilitation program ng pamahalaan na ang mandato ay upang makapagtanim ng puno para mapalakas pa ang flagship program ng Philippine National Police (PNP) na tinawag na “10 milyon Puno Pamana Sa Kinabukasan.”

Ngayong araw, nakapagtanim ang mga pulis ng Davao del Sur ng isang libong punla ng mahogany, gemelina, at molave.

Sa kaniyang mensahe, hinimok ni Lupaz ang iba pang environment groups at mga indibidwal na makilahok sa 10 million trees challenge.

“To other groups out there, please feel free to tie up and join us in making Davao Sur province green and beautiful as it was before,” ayon pa kay Lupaz.