Ilang miyembro ng PSG, nag-positibo sa COVID-19; talk to the people ng Pangulo ngayong gabi ipinagpaliban

Ilang miyembro ng PSG, nag-positibo sa COVID-19; talk to the people ng Pangulo ngayong ipinagpaliban
Senador Christopher Lawrence ‘Bong’ Go. (NF File Photo)

DAVAO CITY – Kinumprima ni senador Christopher Lawrence ‘Bong’ Go na nag-positibo sa COVID-19 ang ilang miyembro ng Presidential Security Group (PSG).

Ito umano ang dahilan kaya ipinagpaliban ang naka-schedule na Talk to the People ni pangulong Rodrigo Duterte ngayong gabi, ayon sa senador.

Sa kabila nito ay tiniyak ng mambabatas na walang dapat ipag-alala sa kalusugan ng pangulo at nasa mabuti itong kalagayan ngayon.

Sinabi ni Go, kailangan lang aniyang mag-ingat at hindi ipagsapalaran ang kalagayan ng punong ehekutibo.

Nauna nang tiniyak ng Malacañan na nasa maayos ang kalusugan ng Pangulong Duterte subalit kailangan lamang limitan ang exposure nito, sa gitna na rin ng tumataas na bilang ng bagong COVID-19 cases sa bansa.

Pahayag ito ni Presidential Spokesperson Harry Roque makaraang ipinagpaliban muna sa susunod na linggo ang nakatakdang Talk to the People ng pangulo ngayong gabi.

“The Palace confirms that President Rodrigo Roa Duterte will not have a Talk to the People Address tonight, April 7, 2021, in light of the rising number of active COVID-19 cases,” ayon pa kay Roque.

Ayon sa kalihim, isinasaalang-alang rin ng Palasyo ang kalusugan ng mga staff na kabahagi sa preparasyon ng public address ng pangulo.

“In addition, the preparation for the Talk to the People Address entails a number of staff complement and we also take due consideration of their well-being,” bahagi ng naging pahayag ni Roque.

Matatandaan na una na ring tiniyak ni Senator Christopher Go na walang direct exposure ang pangulo sa mga COVID-19 positive at wala ring dapat na ipag-alala ang publiko sa kalusugan ng pangulo.

Wala aniyang ipinamamalas na anomang sintomas ng virus si Pangulong Duterte, at nananatili lamang ito ngayon sa palasyo.