Commercial operation ng Dito, inaasahan sa buwan ng Marso

Commercial operation ng Dito, inaasahan sa buwan ng Marso
National Telecommunication Commission (NTC) 11 Regional Director Nelson Cañete. (NF Photo by Lalz Ramos)

DAVAO CITY- Inaasahan na wala nang magiging aberya pa ang paglulunsad ng commercial operation ng pangatlong telecommunications (Telco) player na Dito Telecommunity sa buwan ng Marso.

Ayon pa sa direktor ng National Telecommunication Commission (NTC) 11 Nelson Cañete sa kanyang pagharap sa mga miyembro ng media kamakalawa, na kung pagbabatayan ang kahandaan ng mga cellsites
ng Dito at mga lisensya sa operasyon nito, wala na umanong siyang nakitang problema para di pa makapagsimula sa kanilang operasyon ang kompanya.

Subalit, ayon sa opisyal depende pa rin sa Dito kung tatalima ito sa deadline na kanilang naunang ibinigay na sa susunod na buwan magsisimula ang kanilang operasyon.

Inamin nito na inuulan pa rin ang kanilang tanggapan ng mga reklamo ukol sa napakabagal na internet connection ng PLDT at Globe Telecom, bagaman patuloy umano na nagsasagawa ng upgrading sa kanilang pasilidad ang dalawang kompanya.

Umaasa ang opisyal na sa pagpasok ng Dito ay masolusyunan na ang problema ng signal ng dalawang telecommunication providers lalo na ngayong panahon ng pandemya na mayoriya ng mamamayan ay gumagamit ng internet.

“Open ang aming communication lines sa mga Telcos. Smart is not perfect, Globe is not perfect. Now, here comes Dito, hindi pa natin alam si Dito, it remains to be seen.” In fairness kay Smart and Globe, naga-upgrade sila even ang ilang mga infrastructures,” dagdag pa ni Cañete.

Matatandaan na pinagkalooban ng NTC Central Office ng Certificate of Public Convenience and Necessity noong Hulyo 2019 ang Dito bilang pangatlong major telecom provider sa bansa.

Plano ng Dito na makapagpatayo ng 1,600 towers sa taong 2020 na sumasakop sa 37 porsyento ng buong populasyon ng Pilipinas at nangakong makapagbibigay ng 27 megabits per second na minimum average internet speed.

Hulyo 2020 naman ng unang itinakda ng Dito ang official test sa kakayahan nito subalit nagkaroon ng pagkaantala dahil sa COVID-19 lockdown.

Samantala,ipinaliwanag ng opisyal na tanging ang Local Government Units (LGUs) lamang umano ang may jurisdiction na makapag-isyu ng permit sa pagpapatayo ng mga towers ng tele-communication companies.

“I think ang mga towers is within the jurisdiction of the LGU dahil may mga sets of requirements sila na ibinibigay before they will be allowed to construct cellsite towers,” paliwanag ng opisyal.

“Ang sa amin is ang radio na ikabit sa towers. Kailangan lisensyado ito ng NTC, dapat NTC approved na nakapasa sa standards ng NTC,” ayon pa sa opisyal.

Ginawa ng opisyal ang paglilinaw matapos makatanggap ang kanilang opisina ng mga reklamo mula sa mga residente lalo na sa mga subdivisions na tumututol sa konstruksyon ng mga towers sa kanilang lugar.