84 pulis, unang sumailalim sa RT-PCR molecular laboratory ng Regional Police, tatlo ang bagong nag-positibo sa COVID-19

Police Regional Office (PRO) 11 Regional Director Brigadier General Filmore Escobal
Police Regional Office (PRO) 11 Regional Director Brigadier General Filmore Escobal. (Photo courtesy of PRO 11 Facebook Page)

DAVAO CITY – Kinumpirma ng hepe ng kapulisan sa rehiyon Brigadier General Filmore Escobal na 84 sa mga personahe ng Regional Headquarters ang unang sumabak sa pagsisimula ng operasyon ng kanilang Reverse transcription-polymerase chain reaction (RT-PCR) Molecular Laboratory noong lunes.

Simula kahapon, nagamit na ng Police Regional Office (PRO) 11 ang nasabing pasilidad matapos itong pinasinayaan noong Enero 18 taong kasalukuyan.

Ayon pa kay Escobal, sa 84 na personahe ng headquarters, tatlo ang lumabas na nag-positibo sa COVID-19.

Sinabi ng opisyal, asymptomatic naman daw umano ang tatlo na kaagad dinala sa isolation facility ng Philippine National Police (PNP) sa Barangay Malagos, Calinan District dito sa lungsod para sa kanilang mandatory quarantine.

Ang itinayong laboratoryo sa loob ng headquarters ng PRO 11 sa Camp Quintin Merecido Command, Buhangin District, naglalayong mas mapabilis ang pagsusuri ng mga swab sample ng pulisya at upang agarang magawan ng aksyon ang mga personahe nito na mag-positibo sa virus para maiwasan ang transmission.

Sa kasalukuyan, 19 ang active COVID-19 cases ng PRO 11 na kung saan nakapagtala na rin ito ng 293 kabuuang kaso simula noong buwan ng Marso sa nakaraang taon.

Sa naturang bilang, 274 ang naka-recover habang isa ang naitalang namatay na personahe ng PRO 11 dahil sa COVID-19.