60-anyos na magsasaka, patay matapos masunog ang tinitirhang barung-barong

60-anyos na magsasaka, patay matapos masunog ang tinitirhang barung-barong
(Larawan mula sa Santa Cruz Municipal Police Station)

DAVAO CITY – Nasawi ang isang 60-anyos na magsasaka matapos masunog ang tinitirhang barung-barong sa Sitio Kalubihan, Barangay Tuban, Santa Cruz, Davao del Sur, alas 9:30 kagabi (Abril 4).

Kinilala ng Santa Cruz Municipal Police Station ang biktima na si Ereneo Camungay, nakatira sa nasabing lugar.

Batay sa ulat ng pulisya, alas 9:30 nang makita ng nakababatang kapatid ng biktima na si Nestor Camungay na nilalamon na ng apoy ang bahay ng kanyang kapatid. Sinubukan pa umano nito na apulahin ang apoy gamit ang tubig, subalit patay na nang kanyang makita ang panganay na kapatid.

Ayon pa kay Nestor, nakainom umano ng alak ang kanyang kapatid ng mangyari ang insidente.

Sinabi din nito na nakaugalian na nang biktima na magpausok tuwing hapon at gabi para panlaban sa lamok at iba pang insekto.

Taong 2019, nasunog din umano ang kubo nang kanyang kapatid sa parehong kadahilanan.

Nasa lokal na punerarya na nang bayan ng Santa Cruz ang bangkay ng biktima.