6-araw na sanggol sa Santo Tomas, namatay sa COVID-19

6-araw na sanggol sa Santo Tomas, namatay sa COVID-19
(Image from DOH 11 - COVID-19 Regional Daily Case Bulletin, 03 April 2021)

DAVAO CITY – Isang anim na araw na sanggol ang pinakabatang nahawa at namatay sa COVID-19 sa bayan ng Santo Tomas, Davao del Norte.

Batay sa ulat mula sa Santo Tomas Inter-Agency Task Force, ang 6-araw na sanggol ay namatay ngayong araw ng linggo (Abril 4).

Napag-alaman na ang sanggol ay ipinanganak sa kanyang 16-anyos na ina mula sa Barangay New Katipunan sa nasabing bayan sa isang local birthing clinic.

Sa huling datos ng Santo Tomas IATF, nasa 177 na ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa nabanggit na bayan.

Samantala, nakapagtala kahapon (Abril 3) ang Department of Health Davao Center for Health Development ng 64 bagong kaso ng COVID-19 sa buong Davao Region na kung saan umabot na sa 908 ang active cases sa kasalukuyan.

Sa bagong kaso, 34 ang mula sa Davao del Norte, 20 sa Davao City, 8 sa Davao de Oro, at 2 sa Davao Oriental.

Habang apat naman ang naitalang namatay kahapon, tatlo dito mula sa Davao del Norte at isa sa Davao City.

Sa 64 bagong kaso ng COVID-19, 26 ang tuluyan nang naka-rekober. 18 ay mula sa Davao City, anim sa Davao de Oro, at dalawa sa Davao del Sur.