11 Peoples’ Organization ng Saranggani Province, nakatanggap ng Agri-pangkabuhayan package

11 Peoples' Organization ng Saranggani Province, nakatanggap ng Agri-pangkabuhayan package
(Photo courtesy of 73rd Infantry Battalion)

DAVAO CITY – Matagumpay na ibinahagi ang mga livestocks, farming tools at mga vegetable seeds sa labing-isang (11) People’s Organizations (POs) ng Sarangani Province na ginanap sa kampo ng 73rd Infantry Battalion ng Philippine Army sa Poblacion Malapatan, Saranggani Province nitong Pebrero 17.

Pinangunahan ng lokal na opisyal ng Saranggani ang Mass Distribution ng Department of Agriculture (DA) 12 ng livestocks gaya ng baka, kalabaw, kambing at kabayo, pati na rin vegetable seeds at farming tools sa mga kasundaluhan upang ibahagi sa mga mamamayan.

Napag-alaman na limang POs ng Alabel, limang POs sa Malapatan at isang PO ng Glan mga bayan sa Sarangani Province, ang nabiyayaan ng nasabing ayuda mula sa mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan.

Bakas sa mukha ang saya ng mga miyembro ng mga asosasyon sa ibinahagi sa kanila.

Ayon pa sa presidente ng Alying Farmers Livelihood Association na si Alias Ambot, kanyang pinapasalamatan ang tropa ng kasundaluhan sa paghatid ng mga serbisyo ng gobyerno sa kanilang mga magsasaka na makakatulong sa pagbabago ng kanilang pamumuhay.

Sa pahayag naman ng kumander ng 73rd IB Lieutenant Colonel Ronaldo Valdez, sinabi nito na malaki ang tulong at suporta ng lokal na pamahalaan ng Sarangani Province sa pagbibigay ng mga punla at gamit agrikultura sa mga People’s Organization.

“Ang mga ito ay nakakatulong sa kanila sa pang-araw-araw nilang konsumo,” ayon pa kay Valdez.

Dagdag ng opisyal na patuloy umano silang na nakikipagtulungan sa mga ahensya ng gobyerno upang mapa-abot ang serbisyo sa mga mamamayan sa kanayunan.